Pedestrian inararo: Konsehal kalaboso
BATANGAS, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang municipal councilor makaraang makasagasa ng mga pedestrian sa bayan ng Calaca na nagresulta ng pagkasawi ng isa habang tatlong iba pa ang nasugatan kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple serious physical injuries si Calaca Councilor Ramon Valencia, 36, ng Barangay Puting Kahoy matapos masagasaan at napatay si Romeo Santines, 66, ng Barangay Puting Bato, Calaca, Batangas.
Dead-on-the-spot si Santines, samantalang sugatan naman sina Maria Maullon, 60; Felisa Laguras, 60; at Arsenia De Leon, 52, pawang mga nakatira sa Barangay Puting Bato West, Calaca.
Nabatid na binabagtas ni Valencia ang national highway sa Barangay Puting Kahoy sakay ng Toyota Land Cruiser (NGY-786) nang aksidente nitong masagasaan ang tumatawid na si Santines bandang alas-5 ng umaga
Napag-alamang matapos mabangga at napatay ni Valencia si Santines, nawalan ng control ang sasakyan kaya inararo naman ang tatlong biktima na naglalakad sa kabilang linya ng highway.
Naitakbo naman sa Metro Lemery Medical Center ang tatlong sugatan kung saan bolutaryo sumuko si Valencia sa pulisya para harapin ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanya. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending