8 holdaper dedo sa shootout
QUEZON , Philippines — Sementeryo ang binagsakan ng walong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng kidnap-for-ransom gang matapos makipagbarilan sa tropa ng 415th Police Provincial Mobile Group na nakatalaga sa Comelec checkpoint sa bisinidad ng Sitio Taguan, Barangay Bukal Sur sa bayan ng Candelaria, Quezon, kahapon ng umaga.
Apat sa walong napatay sa shootout ay nakilalang sina Roger Baylon ng Cainta, Rizal; Jojo Salazar ng Magsaysay, Quezon City; Samuel Leonico ng Rosario, Albay; at si Gilbert “Ilomen” Mauricio ng Las Piñas City.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Francis Elmo Sarona, Quezon police director, lumilitaw na binabagtas ng mga suspek ang kahabaan ng Maharlika Highway sakay ng Toyota Hi-Ace van mula Maynila patungong Lucena nang parahin ng mga pulis sa Comelec checkpoint ng Barangay Bukal Sur bandang alas-5:15 ng umaga.
Imbes na tumigil, biglang inararo ang barikada ng checkpoint hanggang sa magkahabulan at pa litan ng putok ng magkabilang grupo.
Nakorner naman ang mga suspek pagsapit sa pangalawang checkpoint kung saan sila napatay matapos ang maikling engkuwentro laban sa pulisya.
Narekober sa van ang US Carbine rifle, 9mm pistol, 3 caliber 45 pistol, caliber 38 revolver, M-203 grenade launcher at mga tseke na nagkakahalaga ng P.8 milyon.
Napag-alamang peke rin ang plaka ng van na ZDN-912 na isa ring carnap vehicle, ayon sa Land Transportation Office.
“Based on our intelligence report, may papasuking establishment ang grupong ito sa Lucena hanggang sa ma-intercept sa Comelec checkpoint,” dagdag pa ni Sarona.
Inaalam pa ng mga otoridad kung anong grupo ang kinabibilangan ng mga napatay na suspek. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending