Estudyante tinodas ng gang member
CEBU CITY, Philippines — Pinaniniwalaang mistaken identity ang pagkakapaslang sa isang 18-anyos na college student makaraang pagbabarilin ng isang menor-de-edad na gang member noong Biyernes ng gabi sa bisinidad ng Barangay Pardo sa Cebu City, Cebu.
Napuruhan sa kanang dibdib at likurang bahagi ng katawan si Bayani “Brian” Navarro ng Sitio Kinasang-an at isang Automotive student sa unibersidad sa Cebu City. Samantalang naaresto naman ang suspek na itinago sa pangalang Elmer,16 at miyembro ng Blood Gang.
Ayon sa ilang saksi sa krimen, sina Romeo Rivera, Ivan dela Rama at Brian Navarro ay patawid ng kalsada matapos bumaba ng pampasaherong jeepney nang mamataan ang suspek at ilang miyembro ng gang.
Dito na bumunot ng baril at ipinutok ng suspek sa tatlong estudyante kung saan napuruhan ang biktima na namatay sa Cebu City Medical Center habang ginagamot.
Napag-alamang si Navarro ay dating miyembro ng Crips Gang kung saan tumiwalag na ito dahil sa pag-aaral.
Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto naman ang suspek sa kanilang bahay kung saan inamin nito na ang kanyang puntirya ay si dela Rama.
- Latest
- Trending