Cavite, Philippines — Patay ang isang 39 anyos na lalaki at ang angkas nitong babae nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang jeep kahapon ng madaling araw sa Emilio Aguinaldo Highway, Barangay Zone 1-A Dasmariñas sa lala wigang ito.
Nakilala ang biktimang si Dario Fernandez, residente ng Block 5, Lot 1, DBB habang kinikilala pa ang kasama nitong babae na namatay habang ginagamot sa ospital.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na si Renato Macabuhay, 54, ng Hilaga Street, Barangka Drive, Mandaluyong.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:45 ng madaling-araw.
Patungo ang mga biktima sa Imus nang bigla nilang makasalubong ang jeep (DMH-918) ng suspek. Bigla na lang umanong sinakop ng mga biktima ang kalsadang binabagtas ng suspek kaya sumalpok ang mga biktima at humagis ng ilang metro. Pumalo pa ang ulo ni Fernandez sa semento na naging sanhi ng dagliang kamatayan nito.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil dito. Cristina Timbang