8 pulis sa Maguindanao massacre sinibak sa serbisyo
MANILA, Philippines - Sinibak sa serbisyo ang walong pulis kabilang na ang isang opisyal na sinasabing testigo sa Maguindanao massacre makaraang idineklarang absent without official leave (AWOL), ayon sa opisyal na ulat kahapon.
Kinilala ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, ang nag-AWOL na si P/Inspector Ariel Rex Diongon, group commander ng 1508th Provincial Mobile Group at isa sa testigo sa Maguindanao massacre sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009.
Sa panayam ng PNP Press Corps, sinabi ni Verzosa na inaalam na ang mga kaganapan hinggil sa sinasabing pag-alis ni Diongon sa kustodya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police sa Central Mindanao.
Ang grupo ni Diongon ang sinasabing kabilang sa humarang sa convoy ng mga Mangudadatu sa crossing ng Brgy. Saniag na humantong sa pagpaslang sa 57-katao kabilang ang 32 mediamen.
“The initial information I received is he asked permission verbally because he has some place to go, may personal matters so we have to check on the veracity of this report,”pahayag ni Verzosa.
Batay sa police report, simula noong Biyernes ay hindi na nagpakita si Diongon sa custodian nito sa Central Mindanao kaya pinagpapaliwanag ang pamunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 12 at ARMM PNP officer-in-charge na si P/Senior Supt. Bienvenido Garcia Latag.
Nilinaw ni Verzosa na under restrictive custody lamang si Diongon na malayang nakakagalaw sa himpilan ng ARMM pero ‘di-pinapahintulutang lumabas habang patuloy na pinag-aaralan at isinasailalim sa ebalwasyon ng Department of Justice (DOJ) kung ito ay maituturing na testigo.
Hinggil naman sa kaso ng pitong iba pang pulis na sinasabing sangkot sa masaker ay hindi nakatakas at sa halip ay hindi nag-report sa PNP matapos ang krimen kaya’t tinanggal na sa tungkulin. Kabilang sa mga sinibak sa serbisyo ay sina P/Inspector Michael Joy Macaraeg, PO1 Musa Abad, PO1 Jonathan Engid, PO1 Joharto Kaminda, PO1 Zoharto Samson, PO1 Abdul Macatimbol at si PO1 Abbey Guidem. Joy Cantos
- Latest
- Trending