SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan , Philippines — Maagang napariwara ang pagkababae ng tatlong magkakapatid na babae makaraang halinhinan itong gahasain ng isang 60 anyos na faith healer sa loob ng bahay nito sa Barangay Minuyan 4 sa bayang ito sa magkakahiwalay na insidente.
Sa ulat ni P/Supt. Edwin Quilates kay OIC Provincial Director P/SSupt. Edgardo Tinio kinilala ang mga biktima na itinago sa mga pangalang Mimi, 14 taong gulang; kakambal niyang itinago din sa pangalang Sweety; residente ng Minuyan at kapatid na si Tweety, 15 anyos. Ang mga biktima ay pawang nag-aaral sa high school.
Agad namang sinampahan ng kasong multiple rape ang suspek na si Juliano Daz, biyudo, tubong-Samar at residente ng Minuyan 4.
Kasalukuyang pinaghahanap na ng pulisya ang suspek upang papanagutin sa krimen.
Ayon sa magkakahiwalay na salaysay ng kambal, unang hinalay ang nakababatang biktima noong Mayo at Hulyo 2008 sa loob ng bahay ng suspek habang natutulog ito sa loob ng kuwarto kasama ang anak ng suspek na menor de edad din.
Ang nakatatanda naman ay ginahasa nuong buwan ng Hunyo 2009 sa loob din ng bahay ng suspek at dahil sa pananakot ng suspek sa mga ito ay sinarili na lamang nila ang kani-kanilang karanasan hanggang sa paulit-ulit na silang gahasain.
Nabisto lamang ang pangyayari nang hindi na makayanan ang problema ng kambal at agad na ipinagtapat sa kanilang ama ang pangyayari hanggang sa matuklasang pati si Mimi ay ginahasa na din ng suspek at pinangakuan pang pakakasalan ito ngunit dahil sa kahihiyan ay naglayas ito at patuloy na pinaghahanap ng kanilang mga magulang. Boy Cruz