BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Pinangangambahan sa ngayon ang posibleng pagkakaroon ng power shortage o kakapusan sa kuryente sa buong Luzon sa mga darating na buwan dahil sa maagang epekto ng El Niño na sanhi ng patuloy na pagbaba ng water level sa Magat Hydroelectric Power Plant na nakabase sa Ramon, Isabela.
Ayon sa SN Aboitiz na nangangasiwa sa electric power ng Magat dam, maari umanong matigil ang kanilang operasyon kung patuloy ang pagbaba ng tubig ng dam.
Sa kasalukuyan ay nasa 172 meters na ang lebel ng tubig sa Magat Dam kumpara sa 180-meters na pinakamababang naitala noong 2009 kaya, kung walang aasahang ulan sa mga susunod na mga araw, posibleng ihinto ng SN Aboitiz ang kanilang operasyon.
Nilinaw naman ni Mike Hosillos, pinuno ng SN Aboitiz Power communication na, kung sakaling aabot sa 160 meters ang sukat ng tubig at pansamantala nilang itigil ang kanilang operasyon, may mga iba namang maaring alternatibo na mapagkukunan ng elektrisidad.
Bukod sa Magat Dam, ang iba pang hydroelectric power plants sa Luzon na nagbibigay ng elektrisidad ay ang San Roque Dam ng Pangasinan; Binga Dam ng Benguet; Angat Dam ng Bulacan at ang Pantabangan Dam ng Nue va Ecija.
Ang Magat Dam ang ikalawang pinakamalaking power contributor na may 350 megawatts sa buong Luzon kung saan ang patubig na nagmumula rito ay pinapakinabangan ng mahigit sa 80,000 hectares na sakahan sa Isabela, Quirino at Cagayan.