Mobile checkpoint pa sa Masbate
MANILA, Philippines - Isang araw matapos na isailalim sa kontrol ng Commission on Elections ang Masbate, ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa ang pagla latag ng karagdagang mobile checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan kaugnay ng gaganaping pambansa at lokal na halalan sa Mayo ng taong ito.
Personal na nagtungo sa Masbate si Verzosa at pinangunahan ang Joint Security Control Center Command Conference kaugnay ng ilalatag na seguridad sa nalalapit na eleksyon.
Ayon kay Verzosa, magiging pangunahing tungkulin ng mga mobile checkpoints ang paglilibot ng mga nakaunipormeng pulis sa iba’t ibang panig ng lalawigan at magsagawa ng random check sa mga sasakyan na bumibiyahe sa mga lansangan.
Idiniin ng opisyal na, sa pamamagitan nito, mapapalawak pa ang kampanya ng PNP upang mabawasan na ang mga nagbibitbit ng mga baril sa lalawigan at mabura na ang pamamayagpag ng mga Private Armed Groups ng mga pulitiko. Joy Cantos
- Latest
- Trending