Trece Martires City, Philippines – Mahigit 20,000 Kabitenyo mula sa iba’t ibang sektor ang nag-rally sa harap ng kapitolyo kahapon ng umaga upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa pagbasura ng Department of Transportation and Communication sa Light Railway Transit (LRT) extension 1 project sa rutang Baclaran-Cavite.
Lumagda sa isang manipesto ng pagsuporta ang mga lumahok sa protesta bilang pakikiisa sa panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng DOTC na ipatupad ang nakabimbing proyekto.
Sa panayam ng media kay Gobernador Ireneo “Ayong” Maliksi, wala siyang ideya sa dahilan ng biglaang desisyon ng DOTC at idinagdag na dapat magpaliwanag ang DOTC sa mga mamamayang Kabitenyo.
Pinuna ni Maliksi na patuloy sa paglubha ang kondisyon ng trapiko sa Cavite dahilan para bumagal din ang potensyal na pangkaunlaran ng lalawigan kaya higit na kailangan ang naturang proyekto.
Mahigit isang milyong tao ang bumibiyahe papasok at palabas ng Maynila galing Cavite kada araw na gumugugol ng dalawa hanggang tatlong oras dahil sa masikip na daloy ng trapiko. (Arnel Ozaeta)