Kandidato ng LP, supporter itinumba
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang kandidato ng Liberal Party at isang supporter makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa naganap na magkahiwalay na lugar sa Zamboanga del Sur kamakalawa.
Kinilala ang mga napaslang na sina Motal liden Pacman “Steve” Tapodoc, 35, kandidatong konsehal ng LP sa bayan ng Labangan, Zamboanga del Sur at ang masugid na supporter ng LP na si Hadja Hamira Abdullah Agcong, 44.
Batay sa report mula sa Camp Crame, dalawang bala ng baril ang tumapos kay Agcong noong gabi ng Sabado sa harapan ng maysakit nitong anak sa parking lot ng Gaisano Mall sa naturang bayan.
Bandang alas-7 naman ng umaga noong Linggo nang pagbabarilin si Tapodoc ilang hakbang ang layo sa Philippine Independent Church malapit sa Pagadian City Hall.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa nalalapit na halalan sa Mayo 10 ang isa sa motibo ng krimen.
Sa tala ng pulisya, sina Tapodoc at Agcong ay ikaapat na kandidato at supporter ng LP na pinaslang kaugnay ng gaganaping pambansang halalan sa bansa.
Samantala, ang isa pa ay si Atty. Connie Brizuela, LP volunteer ay kabilang naman sa 57-kataong minasaker sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 na ikinasawi rin ng 32 mediamen. Joy Cantos
- Latest
- Trending