MANILA, Philippines - Umabot sa labinsiyam-katao ang kumpirmadong nasawi habang 26 iba pa ang nasugatan makaraang tumaob ang truck sa kahabaan ng provincial road ng Barangay Kapatagan sa bayan ng Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur, kamakalawa.
Ayon kay PRO 9 director Chief Supt. Angel Sunglao, dead-on-the-spot ang 13-katao samantalang idineklarang patay sa ospital ang apat iba pa at ang dalawang nasa kritikal na kalagayan.
Patuloy naman ginagamot sa Margosatubig Regional Hospital ang 26 iba pang sugatang biktima.
Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, bumabagtas sa kahabaan ng provincial road ang kulay berdeng Forward Truck (GGU 228) na pag-aari ni Dodong Pintac nang maganap ang trahedya bandang alas-9:30 ng umaga.
Ang truck na may lulang 45-pasahero ay nagmula sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga del Sur ay ilang beses pang nagpagulung-gulong sa highway kaya tumilapon palabas ng sasakyan ang mga pasahero kung saan patay agad ang 13 katao.
Kaagad naman rumesponde ang rescue team sa tulong ng mga residente sa nabanggit na barangay at isinugod sa ospital ang mga sugatang biktima.