Parehas na laban sa Comelec giit ni Bulacan Gov. Mendoza
BULACAN , Philippines — Nanawagan kahapon si Bulacan Gov. Joselito “Jon Jon” Mendoza sa Commission on Elections (Comelec) para sa parehas na laban kaugnay sa motion for reconsideration sa kasong inihain sa kaniya ni dating Gov. Roberto Pagdanganan.
Aabot sa 1,000 tagasuporta ang nag-prayer rally sa opisina ng Comelec sa pangunguna ni dating Gov. Josie dela Cruz, inihayag ni Mendoza na isang commissioner ng lupon ang kataka-takang minamadali na madesisyunan na ang kaso sa kabila ng paglabag sa huling kautusan ng commission sa usapin.
Napag-alamang binigyan ng 5-araw si Pagdanganan na magkomento sa kaniyang motion for reconsideration at motion for execution pending appeal bago desiyunan ang kaso.
Subalit wala pang 5-araw ay mayroon nang draft decision ang isang commissioner ng Comelec, ayon kay Mendoza, at kasalukuyan na itong iniikot sa iba pang miyembro ng komisyon.
“Bukod doon, ang naturang ding commissioner ang sumulat ng draft decision para sa en banc ng Comelec bukod na siya mismo ang nag-iikot para agad na maaprubahan,” ayon kay Mendoza.
“Mismong ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ay nagpahayag na walang anumang dayaan o katiwalian na naganap noong halalan at maging ang National Movement for Free Elections ay nagpahayag din na ako ang tunay na nahalal bilang gobernador ng Bulacan,” dagdag pa ni Mendoza.
Tiwala naman si Mendoza na hindi magpapagamit ang Comelec sa sinumang may masamang hangarin na mabahiran ang nabanggit na ahensya. Boy Cruz
- Latest
- Trending