MANILA, Philippines - Umaabot na sa 10-katao ang naitalang namatay sa malagim na pagkahulog sa bangin ng truck na kinalululanan ng mga taong dadalo sana sa kasalan sa naganap na sakuna sa Barangay Dianawan, sa bayan ng Maria Aurora, Aurora, ayon sa opisyal na ulat kahapon.
Una nang napaulat ang pagkamatay ng lima-katao sa trahedya nang aksidenteng mahulog sa may 30 metrong lalim na bangin ang Isuzu Elf truck.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Pedro Sabado, Rosalina Barbado, Macclean Macadaeg, Delia Ventura, Jimmy Macadaeg, Dion Macadaeg, 5; Maximo Ravena, Mary Grace Nava, 42; Myra Barbado, 13; at si Carlito Francisco, 24.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima na pawang taga-Pangasinan ay patungo sana sa Barangay Bangco para dumalo sa kasalan nang makasalubong si kamatayan sa malalim na bangin noong Lunes ng umaga sa Barangay Dianawan.
Nabatid na nasa 27-katao na magkakapamilya ang lulan ng truck nang maganap ang trahedya. Joy Cantos