Convoy ng mayoralty bet inambus
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang may kaugnayan sa May 2010 elections ang naganap na pananambang sa convoy ng mayoralty candidate na ikinasawi ng barangay chairwoman habang anim iba pa ang nasugatan kahapon ng madaling-araw sa bisinidad ng Barangay San Esteban sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte.
Kinilala ang nasawi na si Chairwoman Joen Caniete, 36, ng Brgy. Lanas at kandidato sa pagka-konsehal sa bayan ng Dingras.
Samantala, naisugod sa Batac Hospital ang mga sugatang sina Bokal Dr. Robert Castro, Councilor Jimboy Albano, SPO2 Cesar Sabado, Joel Rosqueta-driver/escort ni Dr. Castro; Fernando Sebastian at si Teodoro Naval.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bumabagtas ang apat na sasakyang convoy ng mga lokal na kandidato ng Nationalista Party sa pangunguna ni mayoralty candidate Joefrey Saguid nang ratratin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan.
Napag-alamang papauwi na ang mga biktima mula sa Christmas party sa Barangay Bagut nang tambangan sa nabanggit na barangay.
Si Saguid na chairman ng Barangay Guerrero at kandidato sa mayo ralty race sa bayan ng Dingras laban kay reelectionist Mayor Marynete Gamboa ay nadaplisan lamang sa kaniyang kamay. Joy Cantos
- Latest
- Trending