College exec pinalaya ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Ilang oras bago mag-noche buena, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang vice president for academic affairs ng Basilan State College kamakalawa ng gabi o bisperas ng Pasko.
Kinilala ni Philippine National Police Spokesman Chief Superintendent Leonardo Espina ang pinalayang bihag na si Dr. Orlando Fajardo, 50-anyos, residente ng Brgy. Sumagdang, Isabela City ng lalawigan.
Batay sa report ni Director Felizardo Serapio, hepe ng Directorate for Integrated Police Office sa Western Mindanao, si Dr. Fajardo ay pinalaya ng mga kidnappers dakong alas-9:30 ng gabi nitong Disyembre 24 o ilang oras bago ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Pinaniniwalaan naman, ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Chief Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino na na-pressure ang mga kidnappers sa puspusang search operations ng tropa ng 1st Marine Brigade sa Sulu kaya napilitang palayain ang bihag.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga awtoridad, ayon sa mga opisyal sa lugar, kung nagbayad ng ransom ang pamilya ni Fajardo kapalit ng pagpapalaya dito.
Nauna nang humingi ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama ng P20 milyong ransom sa pamilya ni Fajardo at kung hindi ay papatayin ang biktima.
Si Fajardo ay dinukot ng mga armadong kalalakihan habang ipinaparada ang kanyang sasakyan sa compound ng tahanan nito sa kahabaan ng Mahogany Drive, Sumagdang noong Disyembre 10 ng taong ito. Joy Cantos
- Latest
- Trending