MANILA, Philippines - Labing apat-katao kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo ang iniulat na isinugod sa ospital makaraang malason sa inihandang pagkain sa ginanap na Christmas party ng pribadong kumpanya sa Cebu City, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang binatilyo na si Ervin Michael, anak ni Jesus Rey Cavalida, 45, kung saan ang misis nito ay kawani ng Henry Lhuillier pawnshop na tumanggap ng award bilang 25 years in service.
Ang bata ay isinama lamang ng kaniyang ama sa nasabing Christmas party.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas- 7 ng gabi habang nagkakasayahan ang mga kawani ng nasabing kumpanya sa pagdiriwang ng Christmas party sa Sports Club ng lungsod nang maganap ang insidente.
Gayon pa man, ilang oras matapos na kumain ay naudlot ang kasiyahan matapos na magsimulang manakit ang tiyan, sumakit ang ulo at magsuka ang mga biktima.
Bunga nito, ay agad na isinugod sa Perpetual Soccour Hospital ang mga biktima na sinasabing matindi ang pagdudumi
Sa pahayag ni Alice Loresta, personnel manager ng H. Lhuillier, na ang mga biktima ay na discharge na sa ospital kamakalawa matapos malapatan ng gamot.
Sa panig ni Noemi Solon, general manager ng City Sports Club, sinabi nito na paiimbestigahan nila ang insidente upang mabatid kung ano talaga ang nangyari kaugnay ng pagkalason ng mga biktima.
Kaugnay nito, sinusuri na ng mga health official sa pangunguna ni Dr. Expedito Medallo ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ang sample ng pagkain particular na ang shellfish.