2 AFP kumander sa Maguindanao itinalaga
MANILA, Philippines - Dalawang kumander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang itinalaga kahapon matapos sibakin sa puwesto ang dala wang nauna sa naganap na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23.
Sa panayam, sinabi ni Lt. Col. Romeo Brawner Jr., si Major General Anthony Alcantara ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1979 ang inihalili sa puwestong binakante ni Major Gen. Alfredo Cayton.
Ipinalit naman kay Col. Medardo Geslani ng 601st Infantry Brigade (IB) si Col. Leo Ferrer.
Sina Cayton at Geslani ay sinibak noong Biyernes bunga ng mga reklamo sa kabiguang magbigay ng security escort sa convoy ng misis ni Buluan, Maguindanao Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na humantong sa malagim na krimen kung saan kabilang sa nasawi ay ang 27 miyembro ng media na magko-cover sana sa pagsusumite ng certificate of candidacy ng pamilya para kay Toto sa gubernatorial race.
Si Alcantara ay dating kumander ng Training and Doctrine Command (TRADOC) ng AFP habang si Ferrer ay dati namang pinuno ng Task Force Gensan.
Samantala, nasa 3,000 tropa naman ang idinadagdag na puwersa ng AFP na kinabibilangan ng Army’s 46th Infantry Battalion mula sa Samar, 76th Infantry Battalion mula sa Sarangani, Scout Ranger Company ng Basilan at Special Forces Company ng Jolo, Sulu para magpatupad ng peace and order. Joy Cantos
- Latest
- Trending