MANILA, Philippines - Nabahiran ng dugo ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng bise alkalde ng Maguindanao makaraang dukutin ng mga armadong kalalakihan ang 40-katao kabilang ang ilang mamamahayag kung saan sinasabing 14 sa mga binihag ang pinugutan sa naganap na madugong insidente na may kinalaman sa May 2010 elections sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao kahapon ng umaga.
Kinumpirma na ni Major Gen. Alfredo Cayton ng 6th Infantry Division ng Phil. Army na narekober na ng kanyang mga tauhan ang 21-bangkay, samantalang sinusuyod pa ang ang bahagi ng Brgy. Salman sa bayan ng Ampatuan.
Sa inisyal na ulat na nakalap mula sa Army’s 6th Infantry Division ni Major Gen. Alfredo Cayton, naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga sa kahabaan ng highway sa Barangay Saniag kung saan lulan ng tatlong sasakyan ang mga biktima patungo sa Commission on Elections sa Shariff Aguak, para magsumite ng COC sa pagka-gobernador ni Vice Mayor Toto Mangudadatu.
Nabatid na tumawag sa kinauukulan si Buluan Vice Mayor Ismael “Toto” Mangudadatu para humingi ng tulong sa naganap na kidnapping sa kaniyang misis.
Samantala, ayon naman kay Vice Mayor Toto Manguda datu, kabilang sa mga bangkay na narekober ay ang misis niya na si Genalyn Tiamzon-Mangudadatu na sinasabing hinalay; Atty. Connie Brizuela, Atty. Cynthia Oquendo, Mr. Oquendo, ama ni Atty. Oquendo; Bai Eden Mangudadatu, vice mayor ng Mangudadatu; Rowena Mangudadatu, Manguba Bai Mangudadatu, Farida Mangudadatu, mga reporter na sina Ian Toblan, Leah Dalmacio, Gina Dela Cruz, Marites Cabutas, Joy Duhay, Mac-Mac Areola, Jimmy Cabillo, Bong Reblando ng Manila Bulletin; Bart Maravilla ng Bombo Radyo Koronadal; Henry Araneta ng dzRH Andy Teodoro, Rasul Daud, driver ni Assemblyman Mangudadatu; Eugene Dojillo, driver; Neneng Montano ng dxCP Wahida Ali Kali man, pinsan ng nanay ni Toto Mangudadatu; Farida Sabdullah, Zorayda Vernan, Victor Nunez, drayber na si Unto, Zaida Abdul, Pinky Balayman, Ella Balayman, Rahima Piopo, Bai Farina Mangudadatu, drayber na si Chito, Abdullaa Hajji, Patrick Pamansan, Meriam Calicol, at walong iba pa na wala sa listahan.
“We are still verifying ‘yung sa reported beheading, all of this are raw information as of this time,” pahayag ni Brig. Gen. Medardo Geslani ng Army’s 601st Infantry Brigade.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang napaulat na may kinalaman sa pagdukot ang alkalde ng bayan ng Datu Unsay, Maguindanao na si Datu Andal Uy Ampatuan Jr. at si P/Chief Inspector Dicay ng Shariff Aguak PNP.
Sa pinakahuling impormasyon, sinabi ni AFP- Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., ang mga biktima ay dinala malapit sa kampo ng Moro National Liberation Front sa Tornado Command sa Brgy. Salman, Ampatuan.