KIDAPAWAN CITY , Philippines — Umapela kamakalawa si North Cotabato Governor Jesus Sacdalan sa kanyang mga nasasakupan kabilang na ang mga supporter niya na maging mahinahon sa kabila ng sinasabing banta nang pananabotahe sa kanyang administrasyon.
Ginawa ni Sacdalan ang panawagan matapos siyang makatanggap ng intelligence report na nagsasabing may grupo na may planong sirain ang kanyang panunungkulan sa lalong madaling panahon.
Partikular ang umano’y puwersahang pag-agaw ng grupong hindi direktang tinukoy ni Sacdalan sa pamamahala sa provincial capitol.
“I instructed our provincial police to exert all efforts to foil any move that will undermine the security of the province and its constituents,” pahayag ni Sacdalan kung saan iginiit niyang hindi niya papayagang maghari ang karahasan sa kanyang nasasakupan.
Sa kabila nang kanyang panawagan sa mga kababayan na maging mahinahon, hinimok din ng gobernador ang mga ito na maging “mapagmatyag at tumulong sa mga awtoridad na pigilan ang pagtatangkang pananabotahe.”
Nang pilitin pangalanan ang nagbabanta sa kanyang administrasyon tumanggi namang idinitalye ni Sacdalan ang pagbabanta sa kanyang administrasyon.
Si Sacdalan ay nasa re-election bid sa 2010 polls at posibleng makalaban sa gubernatorial race sina Vice Governor Emmanuel Piñol at 1st District Rep. Emylou Talino-Mendoza.
Subalit mayroon umanong negosasyong nagaganap para sa posibilidad na Sacdalan-Mendoza tandem.