4 dalagita naisalba sa prostitusyon
BAGUIO CITY, Philippines – Dahil sa paglaganap ng prostitusyon, apat na dalagita ang iniulat na naisalba ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera mula sa sindikato ng white slavery noong Martes ng gabi sa kahabaan ng Carino Street sa Baguio City.
Kabilang sa apat na biktima na itinago sa mga pangalang Anna, 14; Lorna, 13; Fe, 16; at Kris, 17 na pawang nahikayat ng suspek na si Candy, 17.
Ayon kay P/Senior Supt. Moises Guevarra, regional chief ng CIDG-Cordillera, naalarma ang mga awtoridad sa pagtaas ng bilang ng mga menor-de-edad na kababaihan na may sakit na sexually transmitted disease (STD) dahil sa lumalalang bentahan ng panandaliang aliw sa nabanggit na lungsod.
Nabatid pa kay P/Chief Insp. Lucrecio Rodrigueza na dumadagsa ang reklamo ng mga magulang na mahihikayat ang kanilang mga anak na dalagita sa flesh trade.
Inamin naman ng mga awtoridad ang lumalalang flesh trade dahil sa economic crisis sa nabanggit na lungsod.
Idinagdag pa ni Rodrigueza na ang mga dalagitang nahikayat na sa flesh trade ay nag-aabang ng mga kliyente sa mga kalsada kung saan maging lokal na turista ay pina-patronize ang prostitusyon.
Patuloy naman minomonitor ng mga awtoridad ang mga lugar na kalimitang pinagpupugaran ng flesh trade sa nabanggit na lungsod.
Nasa pangangalaga na ng DSWD-CAR ang apat habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa naarestong suspek. Artemio Dumlao
- Latest
- Trending