3 traders kinidnap ng Abu

MANILA, Philippines - Katatapos pa lamang pugutan ang kinidnap na principal ay tatlo na na­mang negosyante ang ini­ulat na dinukot ng mga ar­ma­dong kalalakihan na si­na­sabing miyembro ng Abu Sayyaf Group sa paniba­gong insidente ng kidnapping sa bayan ng Maluso, Basilan noong Martes ng madaling-araw.

Kabilang sa mga kinid­nap ay sina Michael Tan, 27; Oscar Lu, 51; at si Mark Singson na pawang mag­kakasosyo sa  High-Tech Plywood Plant sa Sitio Butong, Townsite sa ba­yang nabanggit.

Base sa police report na nakarating sa Camp Cra­me, sa mismong bisinidad ng nasabing planta naga­nap ang insidente kung saan dumaan sa bakod ang mga armadong bandi­do may 20 metro lamang ang layo sa kampo ng military.

Ayon kay P/Senior Supt. Abubakar Tulawie, walang nagawa ang mga biktima matapos na tutukan ng baril at tangayin patungo sa direksyon ng kabundukan ng Mahayahay sa nasa­bing bayan.

Bagaman wala pang anumang demand na ipi­nararating, hinihinala rin nilang ang insidente ay isang kaso ng kidnap-for-ransom.

Nakiusap naman ang mga opisyal ng militar sa pub­liko na makipagtulu­ngan sa security forces sa pama­magitan ng pagpapa­batid ng impormasyon na may kaug­nayan sa pag­kakadukot sa mga biktima. Joy Cantos

Show comments