3 traders kinidnap ng Abu
MANILA, Philippines - Katatapos pa lamang pugutan ang kinidnap na principal ay tatlo na namang negosyante ang iniulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng Abu Sayyaf Group sa panibagong insidente ng kidnapping sa bayan ng Maluso, Basilan noong Martes ng madaling-araw.
Kabilang sa mga kinidnap ay sina Michael Tan, 27; Oscar Lu, 51; at si Mark Singson na pawang magkakasosyo sa High-Tech Plywood Plant sa Sitio Butong, Townsite sa bayang nabanggit.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, sa mismong bisinidad ng nasabing planta naganap ang insidente kung saan dumaan sa bakod ang mga armadong bandido may 20 metro lamang ang layo sa kampo ng military.
Ayon kay P/Senior Supt. Abubakar Tulawie, walang nagawa ang mga biktima matapos na tutukan ng baril at tangayin patungo sa direksyon ng kabundukan ng Mahayahay sa nasabing bayan.
Bagaman wala pang anumang demand na ipinararating, hinihinala rin nilang ang insidente ay isang kaso ng kidnap-for-ransom.
Nakiusap naman ang mga opisyal ng militar sa publiko na makipagtulungan sa security forces sa pamamagitan ng pagpapabatid ng impormasyon na may kaugnayan sa pagkakadukot sa mga biktima. Joy Cantos
- Latest
- Trending














