BATANGAS, Philippines – Sinikwat ni kamatayan ang isang cargo truck driver samantalang kritikal naman ang pahinante nito makaraang hijackin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang delivery truck sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas bago sila itinapon sa Carmona, Cavite kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Inspector Egbert Tibayan, hepe ng Carmona police, ang napatay na si Rolando Saralde, 40, ng Albay samantalang nasa malubhang kalagayan naman ang truck helper na si Ryan Botin, 27, ng Camalig, Albay.
Sa police report, lumilitaw na nagpapahinga ang dalawa sa rest area ng mga biyahero sa gilid ng national highway nang akyatin ng apat na armadong lalaki ang kanilang truck (ZDY-646) bandang alas-4 ng madaling-araw.
Sa salaysay ni Botin, itinapon na lang daw sila sa may madamong bahagi ng Governor’s Drive sa Barangay Maduya sa Carmona, Cavite matapos pagbabarilin.
“Nagpatay-patayan daw ‘yung helper ‘nung binaril siya sa leeg tapos kumilos na lang siya nung nakaalis na ang mga suspek,” ani Tibayan.
Naitakbo si Botin sa Philippine General Hospital matapos makahingi ng tulong sa mga driver ng truck na nakaparada sa gilid ng highway, samantalang patay naman si Saralde matapos barilin sa ulo. Arnell Ozaeta at Joy Cantos