'Week of mourning' idineklara sa Bacolod
BACOLOD CITY, Philippines – Kasalukuyang nagdadalamhati ang taumbayan sa pagkamatay ng labimpitong sibilyan sa naganap na sunog sa dalawang komunidad noong Lunes ng madaling-araw kung saan naabo ang may 59 kabahayan sa Barangay 19 sa Bacolod City.
Sa inisyung executive order ni Mayor Evelio Leonardia, idineklarang sanlinggong pagluluksa (week of mourning) simula Nobyembre 2 hanggang 8 kung saan hinikayat ang mga Bacolenos na tumulong sa mga biktima ng trahedya.
Samantala, kinumpirma naman ni Fire chief Pamela Rojane Candido ang ika-17 bangkay na narekober sa sunog na si Annavic Celiz Cabajosa kung saan naunang iniulat na nawawala.
Kabilang sa mga natusta sa sunog ay ang asawa ni Annavic na si Joselito, 28; mga anak na sina Carl Jo shua, 3; Analyn, 7; at Adah Pauline, 6; mag-utol na Novie, 12; at BeeG, 6; Chavez, Josephine Nino, 42; Jovelyn, 14; Ruel, 13 at ang 11-buwang apo ni Nino na si Rosemarie; boat janitor Junifer Demandar, 45; asawang manicurist na si Jenalyn at anak na si Joshua, 10; Nica Amelda, 25; Eduarda Abajero, 70; at si Napoleon, 40.
Narekober ang sunog na mga katawan sa boarding house na pag-aari ni Margie Depakakibo kung saan sinasabing nagmula ang apoy.
Umaabot naman sa P4 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa naganap na sunog na nagsimula bandang alauna ng madaling-araw bago naapula dakong alas-4 ng madaling-araw kung saan 80 pamilyang naapektuhan ay nasa barangay multi-purpose center.
Sa panayam ng Aksyon Radyo kay fire officer Cornelio Silva, isa sa boarder na si Gloria Abrigo na sinasabing umigib ng tubig sa balon ay nakalimutang patayin ang kandila na may sindi kung saan sinasabing natumba at nagsimulang kumalat ang apoy. Antonieta Lopez
- Latest
- Trending