Principal, 1 pa, todas sa road accident
MANILA, Philippines - Dalawa kataong kinabibilangan ng isang school principal ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang na sugatan makaraang mabangga ng isang humahagibis na trailer truck ang sinasakyan nilang tricycle sa kahabaan ng highway ng Binalonan, Pangasinan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang isa sa nasawing biktima na si Josephine Olias, punong guro sa San Pablo Elementary School habang inaalam ang pangalan ng isa pa.
Isinugod naman sa Sacred Heart Hospital sa Urdaneta City, Pangasinan ang mga sugatang biktima na sina Manolo Estrada, 62 anyos, District Supervisor ng DepEd sa bayan ng Sta. Maria, Pangasinan; Lina Macapulay, 63, principal ng Poblacion East Elementary School sa Asingan, Pangasinan at Eden Evangelista, 44, isa ring guro at pawang taga-San Alejandro, Sta. Maria, Pangasinan.
Sa ulat ng Police Regional Office 1, naganap ang insidente sa kahabaan ng provincial road sa Sitio Balisa, Barangay San Felipe, Binalonan.
Bumabagtas sa lugar ang nasabing tricycle nang salpukin ito ng kasalubong na Isuzu trailer truck na may plakangXCH-772 at minamaneho ni Rogelio Garcia.
Tinangka namang tumakas ng driver ng truck pero nasakote ito ng tumugis na mga nagrespondeng elemento ng mobile patrol team ng Binalonan Police Station sa bayan ng Sta. Maria ng lalawigan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending