MANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang pagbisita ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Negros Occidental matapos na magbanggaan ang sasakyan ng police operative na nagse-secure ng daraanan nito at ng iba pang sasakyan na ikinasawi ng taxi driver habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa Silay City, kamakalawa.
Kinilala ang drayber na si Mario Belinario at malubhang nasugatan naman ang pasahero nitong si Jonalyn Libron, 31, habang dalawang pulis ng 6th Regional Mobile Group ang nasugatan din sa insidente.
Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente sa kahabaan ng bagong gawang diversion road sa Hacienda Normandia sa Brgy. Bactic, dakong alas-10 ng umaga.
Napag-alamang patungo ang 7-man team ng RMG troopers sa Bacolod City bi lang bahagi ng police contingent na mangangalaga sa seguridad ni Pangulong Arroyo nang bumangga ang Fuzo Canter sa taxi ni Belinario.
Nabatid na ang Fuzo Canter na pag-aari ng local na pamahalaan at minamaneho naman ni PO1 Rhodil Buelos ay nawalan ng preno nang iwasan nito na mabangga ang kasalubong naToyota Fortuner.
Bunga nito, ay nagbanggaan ang Canter vehicle na nakabanggaan ng taxi na nahulog pa sa kanal sa lakas ng banggaan.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa nabanggit na insidente. Joy Cantos