Pagkain kinakapos sa 2 isla
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Nababahala ngayon ang Provincial Disaster Coordinating Council sa Cagayan kaugnay sa kalagayan ng mga residente sa dalawang isla na sakop ng Cagayan na pinaniniwalaang naubusan na rin ng pagkain dahil sa nakaraang pananalasa ng bagyong Pepeng.
Ayon kay Bonifacio Cuarteros ng Cagayan-PDCC, nawalan ng tranportasyon na patungo sa mga isla ng Calayan at Fuga simula pa noong Sabado ng Oktubre 03 matapos manalasa ang bagyong Pepeng.
Dahil dito, nakakaranas ngayon ang taong-isla ng kakulangan sa pagkain at iba pang pangangailangan dahil na rin sa kawalan ng sapat sa supply.
Napag-alamang umaabot sa 17,000 ang nakatira sa Calayan Island habang 2,000 naman sa Fuga Island na kapwa nasa Babuyan Channel.
Gayon pa man, may sapat na supply ng relief goods na nakahandang ipamigay subalit dahil sa walong oras ang biyahe sa karagatang maalon ay nahihirapan marating ang mga residente.
Nanawagan naman ang PDCC sa pamahalaan at sa pribadong sector na tulungan sila upang maihatid ang mga pagkain sa dalawang isla na karamihan ay umaasa lamang sa pangingisda. Victor Martin
- Latest
- Trending