CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Dalawang kalalakihan na sinasabing miyembro ng robbery-holdup gang ang iniulat na napatay makaraang makipagbarilan sa pulisya sa bayan ng Carmona,Cavite kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng dalawa na pinaniniwalaang nangholdap ng gasolinahan sa Barangay Mabuhay bandang alas-2:45 ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, natangay ng dalawa ang P800 koleksyong ng gasolinahang pag-aari ni Renato Benito ng San Pedro, Laguna at tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa Southwoods road.
Sa follow-up operation nasabat ng mga tauhan ng Regional Mobile Group (RMG-Region 4A) at Cavite police ang dalawa sa checkpoint na nauwi sa shootout.
Sinabi ni P/Chief Insp. Egbert Tibayan, na posibleng miyembro ng notoryus na grupong Royal Blood Gangsta ang dalawa na may operasyon sa Laguna at Cavite. Arnell Ozaeta, Cristina Timbang at Joy Cantos