4 tinodas sa loob ng 24-oras
BATANGAS CITY, Philippines – Apat-katao ang iniulat na nasawi sa naganap na magkakahiwalay na karahasan sa loob lamang ng 24-oras kamakalawa sa lalawigan ng Batangas.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Francis Aytona, negosyante ng Bago-Bantay, Quezon City; Lino Odonio, bus driver ng Calamba City, Laguna; Manuel Amante ng Brgy. Tabangao, Batangas City at isa pang hindi kilalang lalaki.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Manuel Abu, hepe ng Batangas PNP, lulan ng Nissan (FHA-88) si Aytona kasama ang ‘di-pa kilalang driver nang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng highway sa Barangay Sta. Rita bandang alas-11:45 ng umaga.
Dead-on-the-spot si Aytona samantalang naisugod naman sa Golden Gate Hospital ang driver nito.
Samantala, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang drayber ng Batangas Express Bus Lines na si Odonio ng security guard ng bus terminal na si Jomar Marquez ng Seal Security and Investigation Services matapos magtalo ang dalawa sa bus terminal sa Brgy. Bolbok.
Bandang alas-8:45 ng gabi, binaril at napatay si Amante ng ‘di-pa kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa loob mismo ng kanilang compound sa Sitio Bagong Lipunan.
Dakong alas-6:30 naman ng umaga, isang ‘di-pa kilalang lalaki ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa bisinidad ng Barangay Wawa noong Linggo. - Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending