MANILA, Philippines - Nilagdaan na ni Gov. Joel T. Reyes, ang ordinansang ipinapangalan ang Capitol Park Square kay dating pangulong Corazon “Cory” Aquino.
“Ang Provincial Ordinance No. 1134 na inakda ni Bise-Gob. David Ponce de Leon at Board Member Modesto V. Rodriguez II, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan bilang mga co-author ay ipinasa noong Agosto 19, 2009 bilang pagbibigay-pugay ng mga Palaweño sa mahusay, mapagmahal at maka-Diyos na lider ng bansa,” pahayag ni Gov. Reyes
Nakasaad sa ordinansa na ang Cory Park ay alay ng sambayanang Palaweño sa alaala ng kauna-unahang babaeng Pangulo ng bansa na tinagurian ding simbolo ng demokrasya.
“Ito ay munti subalit taos-pusong pagkilala sa liderato at serbisyong inialay ng dating Pangulong Corazon C. Aquino sa taumbayan. Karangalan ng mga Palaweñong ipangalan ang maaliwalas na parke sa lalawigan bilang Cory Park,” dagdag ni Gob. Reyes.
Sa ilalim ng administrasyon ni Cory ay ipinasa ang Republic Act 7611 (Strategic Environmental Plan for Palawan Act) na siyang nagsisilbing gabay sa sustainable development ng Palawan upang mapanatiling mayabong ang kapaligiran, hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi sa mga susunod na salinlahi.
Ang Capitol Park Square ay nasa loob ng Capitol Complex, sa likuran ng gusaling pang-lehislatura sa Fernan dez St., sa Puerto Princesa City kung saan ay paboritong pasyalan at dausan ng mga konsiyerto at malalaking pagtitipon tulad ng kumbensiyon. (Arnell Ozaeta)