Bulacan flashflood: 17 na dedo
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Umaabot na sa 17-katao ang iniulat na nasawi sanhi ng flashflood sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan makaraang manalasa ang bagyong Ondoy kamakalawa.
Kaugnay nito, idineklara ni Governor Joselito Mendoza na walang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Bulacan ngayon mula elementarya hanggang kolehiyo.
“This is the worst flood that we have in years as far as casualty is concerned,” ani Mendoza sa mga dumalo sa isinagawang briefing ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga biktimang nasawi na nakilala ay sina Abet San Pedro, Roberto Pacao, Erick Portugal ng Bocaue; Angelica Arajo, Benjamin Juliano ng Bustos; Ramon Denistosa, Fortunato Saturnino, at Faustino Policarpio ng Meycauayan City; at si Rodel Casino ng Guiguinto.
Walo pang biktima ang sinasabing kumpirmadong namatay sa bayan ng Marilao, ngunit ayon sa ilang opisyal na maaaring umabot sa 30 ang nasawi.
Napag-alamang naapektuhan ng flashflood ang NorthVille IV sa Brgy. Lambakin, Marilao kung saan ginawang relocation ng mga residente mula sa gilid ng riles ng Philippine National Railways.
Inatasan ni Mendoza ang mga kawani ng kapitolyo at ilang munisipalidad na magsipasok upang makatulong sa relief at rescue mission sa kanilang isinasagawa.
Umaabot naman sa 13,576 pamilya (44,178 katao) ang naapektuhan ng tubig-baha mula sa 118 barangay sa 22 bayan at lungsod sa Bulacan.
Kabilang sa naapektuhang mga bayan ay ang Bulakan, Hagonoy, Obando, Paombong, Calumpit, Pulilan, Plaridel, Baliuag, San Rafael, San Miguel, Donya Remedios Trinidad, Angat, Norzagaray, Sta. Maria, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Bustos, at mga lungsod ng Malolos, Meycauayan, at San Jose Del Monte. Dino Balabo at Boy Cruz
- Latest
- Trending