MANILA, Philippines - Tatlong guro na sinasabing binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan ang nailigtas ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa Basilan kahapon ng umaga. Sa ulat ni P/Senior Supt. Abubakar Tulawie, na nakarating sa Camp Crame, magkakasabay na search and rescue operations ang inilunsad kahapon kaya nasagip sina Jocelyn Enriquez at Noemi Mandi sa Brgy. Bangkuang sa Tipo-Tipo habang si Jocelyn Inion ay nailigtas naman sa Brgy. Kabangkalan, Ungkaya Pukan. Ang tatlo ay mga guro sa Bangkaw-Bangkaw Elementary School sa Naga, Zamboanga Sibugay na sinasabing dinukot noong Marso saka ipinasa sa grupo ng Abu Sayyaf na pina mumunuan ni Commander Nurhasan Jamiri sa Basilan. Nauna nang nagbanta ang mga bandido na pupugutan ang tatlong bihag kapag nabigo ang pamilya ng mga ito na magbigay ng P10 milyong ransom. Ayon kay sa spokesman ng ARMM na si P/Senior Supt. Danilo Bacas, nabigla ang mga kidnaper sa serye ng operasyon kaya inabandona ang nasabing mga bihag. Joy Cantos