19 Abu, 9 sundalo utas sa encounter
MANILA, Philippines - Umaabot sa labinsiyam na bandidong Abu Sayyaf at siyam na sundalo ng Philippine Marines ang iniulat na napaslang makaraang sumiklab ang bakbakan sa pagkakasilat sa planong pananabotahe kung saan magtatapos ng Ramadan (Eid al-Fitr) sa isinagawang air at ground strike operations sa bisinidad ng Sitio Talibang, Brgy. Buansa, sa bayan ng Indanan, Sulu kamakalawa.
Ayon sa ulat ng regional command na si Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, dalawang bangkay ng bandido ang narekober kung saan ayon sa intelligence asset ay tinangay ng mga nagsitakas na kasamahang bandido ang iba pang bangkay ng kalaban.
Kabilang sa mga nasugatan ay tatlong Marines at dalawa namang kawal ng Philippine Air Force na naisugod naman sa opsital.
Pansamantalang ’di muna ibinunyag ang mga pangalan ng mga sundalong namatay.
Bandang ala-1:45 ng hapon nang makasagupa ng tropa ng militar ang sinasabing 220 tauhan nina Abu Sayyaf Commander Albader Parad, Isnilon Hapilon at Kumander Doc Abu Pula.
Base sa ulat ng militar na may planong manabotahe sa Eid al-Fitr ang mga bandido na nakasagupa ng militar kung saan nagsisibaba ang mga ito sa kapatagan para umatake kaya masyadong marami ang nagtipong puwersa.
Napag-alamang nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang kampo ng mga bandido mula sa may 1,000 talampakang tarik matapos na magsitakas ang grupo sa pagkalagas ng kanilang puwersa.
“Very significant itong operation kasi ito yung pinaka-sanctuary ng mga bandido, this is just one kilometer from the Moro National Liberation Front camp kaya ‘di-sila basta magalaw dito baka madamay yung MNLF,” ayon kay Dolorfino matapos na bagsakan na ng mga bomba ang kinalalagyan ng mga bandido.
Sa kasalukuyan, ay kontrolado na ng militar ang sitwasyon at sa katunayan ay nagtaas na sila ng bandila ng bansa bilang simbolo na nakubkob na ang pinakamalaking kuta ng mga bandido na hindi naakyat sa loob ng 40-taon.
9 sundalo dedo rin sa ambus
Samantala, siyam na sundalo ng Philippine Marines at limang teroristang Abu Sayyaf ang iniulat na napaslang habang siyam pang sundalo ang nasugatan matapos tambangan ng ekstremistang grupo sa liblib na Sitio Talatac sa Brgy. Bato-Bto sa bayan ng Indanan, Sulu kahapon ng hapon.
Ayon kay AFP Public Information Office Lt. Col. Romeo Brawner Jr, kasalukuyang pabalik na ang tropa ng 4th Marine Battalion Landing Team 4 lulan ng anim na military vehicle sa kanilang base nang tambangan ng mga bandido.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay gumanti ng putok ang mga sundalo kung saan nagkaroon ng mainitang putukan na tumagal ng hanggang alas-5:30 ng hapon.
Ang tropa ng pamahalaan ay galing sa operasyon mula sa kampo ng mga Abu Sayyaf sa Sitio Talibang, Brgy. Buan na nakubkob ng tropa ng pamahalaan. Joy Cantos
- Latest
- Trending