Bahay ng amo tinangkang sunugin Kasambahay kalaboso
STA. MARIA, Bulacan, Philippines – Kalaboso ang isang katulong matapos na tangkaing nakawin ang mga alahas ng amo na nagkakahalaga ng P.2M at sunugin ang bahay nito sa Brgy. Caypombo.
Ang suspek na si Ivy Argoncillo, tubong General Santos City at naninilbihan sa biktimang si Jennifer Carulla, 34, negosyante, ay nakakulong ngayon sa piitan at nahaharap sa kasong Qualified theft at frustrated arson matapos na tangkaing sunugin ang bahay ng kanyang amo para pagtakpan ang kanyang planong pagnanakaw sa mga alahas ng huli.
Sa imbestigason ng pulisya, alas-7:30 ng umaga ng umalis si Carulla upang maghatid ng kanyang mga anak sa paaralan. Sinamantala naman ng suspek ang pagkakataong ito at kinuha ang alahas ng una. At para mapagtakpan ang pagnanakaw ay binuhusan ng suspek ng gas ang kurtina sa loob ng kuwarto ni Carulla at sinunog ngunit agad din naman naapula ang apoy ng mga rumespondeng bumbero.
Sa gitna ng imbestigasyon ay nakita ng mga otoridad ang isang lata na naglalaman ng gas sa isang panig ng bahay kaya agad na nagduda ang biktima at ng siyasatin ang katawan ng suspek ay nakita ang mga alahas na nakabalot ng panyo at nasa pagitan ng kanyang hita. (Boy Cruz)
- Latest
- Trending