P7.3-B utang ng Shell sa BoC sinisingil

BATANGAS, Philippines ­— Uma­a­bot na sa P7.3-bilyon ang si­na­sa­bing pagkakautang ng Pilipi­nas Shell Petroleum Corporation sa Bureau of Customs Ba­tangas District Office kaug­nay sa kanilang pag-iimport ng catalytic crack­ed gasoline (CCG) mula noong 2004 hang­gang 2009, ayon sa customs official.

Sa pulong balitaan ka­ma­kalawa, inutusan ni Atty. Juan Tan, district collector ng Ba­tangas Customs si Shell Country Chair­­man Edgar Chua na ba­yaran ang P7,348,­767,­933.00, na bi­nubuo ng total principal para sa excise tax at value added tax (VAT).

Lumobo ang pagka­ka­utang ng Shell matapos ini­hinto nito ang pagbabayad ng buwis batay na rin sa memorandum na ipinalabas ni ex-BIR Deputy Commissioner Jose Mario Bunag na ang catalytic cracked gasoline ay component lamang sa pag­gawa ng gasolina.

Ani Tan, ibinase raw ng BIR ang kautusan batay na rin sa posisyon ng Department of Energy na ang CCG ay intermediate goods at hindi pang domestic sale o consumption kaya exempted sa excise tax.

Subalit sa pagsusuri ni Tan sa mga import documents ng Shell mula 2004, nakasaad sa kanilang do­kumento ang salitang unleaded gasoline na may naka-enclose na kata­gang catalytic cracked gasoline mula sa Malaysia

Nadiskubre rin ni Tan na mula sa isinumiteng shipment entries ng Shell sa Ba­tangas Customs na naka­saad lang ang salitang catalytic cracked gasoline subalit wala na ang salitang unleaded gasoline kaya luma­labas na exempted sa excise at value added taxes.

 “The description of catalytic cracked gasoline on the shipment entries without mention of the word unleaded gasoline was deliberately done to mislead both the BOC and BIR,” pahayag ni Tan sa kanyang demand letter sa Shell.

Sampung araw na palu­git ang ibinigay ni Tan sa Shell para bayaran ang pagka­ka­utang na buwis o mapipilitan ang BOC na kumpiskahin ang lahat na dumarating na shipment sa Batangas at papata­wan pa ng interest, surcharge at iba pang penalties.

Sinikap namang kunin ng pahayag ang pamunuan ng Shell sa pamamagitan ng corporate spokesman na si Booby Kanapi subalit hindi ito sumasagot sa mga tawag sa telepono at text ng mga mamahayag. Arnell Ozaeta

Show comments