BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Malawakang kilos-protesta ang ikinakasa ngayon ng libu-libong magsasaka sa Cagayan Valley laban sa national government bilang pagtutol sa corn importation na anila ay pumapatay sa mga maliliit na magsasaka sa nabanggit na rehiyon. Sa naganap na pagpupulong ng ibat-ibang grupo ng mga magsasaka na kinabibilangan ng mga negosyante at Simbahang Katoliko, napagkasunduan na magsagawa ng malawakang kilos-protesta patungo sa Metro Manila kung patuloy ang administrasyong Arroyo sa corn at wheat importation. “Instead of corn importation, the government should increase subsidies for farmers and prioritize local produce,” pahayag ni Raffy Jacinto, pinuno ng Isabela Consumers Watch Group kasama ang Ilagan diocese at ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa forum sa Saint Ferdinand Cathedral hall sa bayan ng Gamu, Isabela. Tinatayang aabot sa 85,000 magsasaka sa Cagayan Valley ang apektado dahil sa murang halaga ng mais kung kaya karamihan ay napipilitan na lamang ibenta sa murang halaga ang kanilang ani kaysa mabulok. Ang patuloy na corn importation ang naging dahilan kung bakit ang local na mais ay nabibili na lamang sa P5.00 hanggang P7.00 bawat kilo kumpara noong 2008 na higit pa sa P12.00 ang bentahan kada kilo.Victor Martin