Mayoralty bet itinumba
BATANGAS, Philippines – Naglaho ang mataas na pangarap ng isang negosyante na sinasabing sasabak sa mayoralty race sa May 2010 makaraang mapatay sa pananambang ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bayan ng San Pascual, Batangas na ikinasugat ng kanyang driver kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang napaslang na si Jeremiah “Jerry” Malaluan, 42, isang realtor at nakatira sa Camella Subd., Barangay Sambat, San Pascual.
Nasa Bejasa General Hospital naman ang sugatang si Roberto Bautista, 44, ng Alitagtag.
Sa ulat na nakaabot kay P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, papauwi na sina Malaluan mula sa kanyang opisina sa Batangas City sakay ng Nissan Sentra (ZRS-630) nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan sa main road ng Brgy. Sto. Niño bandang alas-5:15 ng hapon.
Tumakas naman ang mga killer sakay ng kulay pulang Mitsubishi patungo sa bayan ng Bauan.
“Nakatira si Malaluan sa bayan ng San Pascual pero tubong Alitagtag ang pamilya nito kaya nag-aaspire siyang maging mayor doon,” ani P/Chief Inspector Renato Mercado, hepe ng San Pascual police.
Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong may kinalaman sa negosyo ng biktima ang motibo dahil may pinakulong na tauhan si Malaluan na nakadispalko sa kompanya nila.
- Latest
- Trending