MANILA, Philippines - Dalawa sa limang armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa pulisya sa naganap na bank robbery sa bayan ng Hinigaran, Negros Occidental noong Martes ng gabi.
Isa sa mga napatay na si Dennis Espanola, ay miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa ilalim ng superbisyon ng 11th Infantry Battalion ng Phil. Army sa bayan ng Consalongon, Isabela.
Sa ulat ng pulisya na naisumite sa Camp Crame, nag-iimbentaryo ang mga kawani ng RCBC nang pasukin ng mga armadong kalalakihan at agad nagdeklara ng holdap.
Kaagad namang nagresponde ang pulisya sa pamumuno ni P/Senior Inspector Sonny Boy Bernus matapos na makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen.
Ilang minutong putukan ng baril na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa habang nakatakas ang tatlo kung saan ay nag-umpisa sa Brgy. Poblacion at umabot hanggang sa Brgy. Patique na may 8 kilometro mula sa kabayanan ng Hinigaran.
Nagawang makatakas ng tatlo matapos na i-hostage ang dalawang bank teller na sina Mary Suelo at Melanie Nunez na sinasabing ginawang human shield hanggang sa tuluyang makalayo bago pinakawalan.
Narekober ang P11,958,000 milyong cash na inilagay sa sako ng mga holdaper habang nakuha naman sa loob ng traysikel ang P102,000 na inabandona. Joy Cantos