BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Libu-libong biyahero, pasahero at sasakyan ang na-stranded ng 10-oras matapos matabunan ng putik at bato ang pambansang lansangan sa pagitan ng Nueva Vizcaya at Nueva Ecija noong Lunes. Bandang alas-5:30 ng umaga kahapon nang mabuksan ang kalahating bahagi ng kalsada sa Barangay Putlan, Carranglan, Nueva Ecija kung saan nagkalat ang malalaking tipak ng bato na nagdulot ng matinding traffic sa motorista. Ayon kay P/Senior Supt. Pedro Danguilan, nahirapan ang Department of Public Works and Highways at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya at Nueva Ecija na linisin ang highway dahil sa patuloy na landslide. Ang Dalton Pass na nagdudugtong sa N.Vizcaya at N. Ecija ang pinakaiingatan ng mga motorista dahil sa madalas na pagguho ng lupa. Victor Martin