P.5 milyon holdap sa bus company
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P.5 milyong koleksyon ng mga pampasaherong bus ang tinangay ng mga armadong kalalakihan makaraang holdapin ang opisina ng bus company sa Barangay Buhang, Jaro District sa Iloilo City noong Lunes ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Melvin Moncal, na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-9:30 ng gabi nang pasukin ang opisina ng Vallacar Bus Transit kung saan walang nagawa ang mga kawani kabilang ang mga konduktor at driver dahil pawang mga armado ng malalakas na kalibre ng baril ang mga holdaper.
Sa salaysay ng bisor ang bus company na si Analou Fernandez, nakasuot pa ng uniporme ng konduktor ang isa sa mga holdaper na pumasok sa kanilang opisina habang ang iba ay nagsilbing lookout.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang panloloob kung saan ay nilimas ang koleksyon na nagkataon namang katatapos lamang magbigay ang mga konduktor.
Napag-alamang hindi pa nakuntento ang mga holdaper ay tinangay din ang mga alahas at personal na kagamitan ng mga kawani.
Kabilang naman sa anggulong sinisilip ng pulisya ay inside job dahil napaka-organisado ng kilos ng mga holdaper at sigurado ang koleksyon sa mga konduktor ng kompanya. Joy Cantos
- Latest
- Trending























