MANILA, Philippines - Hinataw ng pala at pinukpok pa ng bato ng isang ama na umano’y may diperensya sa pag-iisip ang dalawa niyang anak at ang kanyang matanda nang ina hanggang sa masawi ang mga ito sa malagim na krimen sa Asingan, Pangasinan kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Jesus, 5; Annabelle, 3; at lola nilang si Marcelina na pawang may apelyidong Acosta.
Nahaharap naman sa kasong 3 counts ng homicide ang suspek na si Benito Acosta, 50 taong gulang.
Bukod sa palo ng pala, ilang ulit din umanong pinukpok ng bato ni Benito ang tatlo na siyang kumitil sa buhay ng mga ito.
Matapos namang mapatay ang mga biktima ay tinangka ni Benito na magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti subali’t inabutan ito ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya.
Pinaniniwalaan namang sinumpong ng sakit sa pag-iisip si Acosta kaya nagawa ang malagim na krimen. (Joy Cantos)