Sta Rosa City, Laguna, Philippines — Dalawang Chinese nationals ang naaresto ng pinagsanib na elemento ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force, Laguna Police at Philippine Drug Enforcement Agency makaraang salakayin ang isang shabu laboratory sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni Senior Superintendent Francisco Uyami, AIDSOTF chief, ang mga suspek na sina Hong Zhi Peng, 40, isang chemist at Go Chan Son, 28, mga miyembro umano ng Chinese drug syndicate na illegal na nakapasok sa bansa.
Naaresto ang dalawang dayuhan habang nagtitimpla pa ng mga chemical na ginagamit sa paggawa ng shabu (methamphetamine hydrochloride) sa kanilang inupahang bahay sa Block 28, Lot 36 Palestine St., Villa Segovia Estate, Barangay Balibago, Sta Rosa City.
“Hindi naman sila lumaban nang inaresto namin pero ayaw nilang magsalita tungkol sa kanilang operasyon,” ani Uyami.
Bukod sa dalawang suspek, tinutugis din ng mga otoridad ang isang Vilma Chu at dalawang iba pa.
Nakumpiska mula sa laboratoryo ang precursor agents, mga chemical sa paggawa ng shabu, hydrogenator mixer, containers, tubes at refrigerator.
Sa panayam kay Senior Superintendent Manolito Labador, Laguna police director, maaari umanong makagawa ang mga nakumpiskang equipment ng humigit kumulang 10 kilo ng hi-grade shabu kada araw o may halagang P50-million ng shabu kada araw.
Ayon sa ilang impormante, maaaring umabot pa sa P150 milyon hanggang P200 milyon ang dami at halaga ng shabu na magagawa sa naturang laboratoryo.