MANILA, Philippines - Isa sa manlalaro na kalahok sa 2009 Ironman 70.3 World Championship sa Camarines Sur ang iniulat na nasawi makaraang malunod sa kasagsagan ng kompetisyon kahapon ng umaga. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nakilala ang biktima na si Miguel Vasquez, 52, presidente ng Permanent Plans Incorporated, at kabilang sa bahagi ng kompetisyon sa Batangas Open Water at aktibong miyembro ng Alamat Relay Team.
Bandang alas-7 ng umaga nang magsimula ang kompetisyon na pinaglalabanan ng mga manlalaro mula sa 23 bansa kung saan kabilang ang biktima sa 270 sa kabuuang bilang ng mga triathletes na manlalaro ng bansa.
Napag-alamang humabol ang biktima sa relay team subalit nasa kasagsagan nang paglangoy na sinasabing pinulikat at nalunod.
Naisugod pa ang biktima sa Mother Seton Hospital sa Naga City subalit idineklarang patay habang patuloy naman ang imbestigasyon. (Ricky Tulipat)