MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang barangay chairman sa loob ng kanilang tahanan sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Chairman Said Sarangani, 52, ng Barangay Bohe. Napag-alamang nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang tahanan nang dumating at kaladkarin ng mga armadong kalalakihan bandang alas – 5:30 ng hapon. Isinakay ang biktima sa kulay asul na van na walang plaka kung saan wala naman nagtangkang tumulong dahil sa takot na madamay. Joy Cantos
2 tinodas sa away-lupain
CAVITE, Philippines — Pinaniniwalaang away-lupain ang isa sa motibo kaya niratrat at napatay ang magkaibigang lalaki sa panibagong paghahasik ng karahasan ng mga di-pa kilalang kalalakihan kamakalawa sa Barangay Paradahan Tanza, Cavite. Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Leonardo Motas, 43; at Edgar Senilla, kawani ng Racing Commission, PRC Makati at kapwa nakatira sa Brgy Sabang, Naic, Cavite. Ayon sa pulisya, ang dalawa ay magkaangkas sa motorsiklo (4851DM) patungong Trece Martires City nang harangin at pagbabarilin ng grupo ng kalalakihang sakay ng kotseng may pulang plaka.Cristina Timbang
Ex-brgy. chairman itinumba
BATANGAS, Philippines – Madugong kamatayan ang sinapit ng isang 61-anyos na dating barangay chairman makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Santiago sa bayan ng Malvar, Batangas kahapon ng umaga. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, lumilitaw na nakatayo ang biktimang si ex-Chairman Renato Lorzano sa gilid ng kalsada nang ratratin ng motorcycle-riding assassin bandang alas-7:30 ng umaga. Isinugod pa si Lorzano sa St. Nazarius Clinic pero idineklarang patay sa emergency room. Wala pang malinaw na motibo ang nasisilip ng pulisya. Arnell Ozaeta
5 konsehal pinasususpinde
BATAAN, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masuspinde ng dalawang buwan sa tungkulin ang limang konsehal sa bayan ng Bagac makaraang ireklamo sa Sangguniang Panlalawigan ng kanilang alkalde sa kasong administratibo. Ang suspension order ay nakatakdang lagdaan ni Bataan Governor Enrique Garcia Jr. matapos irekomenda ni Vice Governor Serafin Roman at ng walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Base sa 4-pahinang resolution, inireklamo ni Bagac Mayor Rammil del Rosario ang limang konsehal kaugnay sa kasong gross misconduct at abuse of authority. Jonie Capalaran