BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Umaabot na sa 32,000 loose firearms na sinasabing nakakalat sa Cagayan Valley ang minomonitor ngayon ng mga alagad ng batas bilang bahagi ng Linis Boga na programa ng pambansang pulisya.
Ayon kay P/Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police director, ang 32,000 bilang ng mga unregistered na mga baril sa buong rehiyon ay kinabibilangan ng mga high-powered at mga hand guns na hawak ng mga sibilyan.
Aabot lamang sa 50 porsiyento may mga lisensya subalit hindi na nagawang mai-renew pa ng mga may-ari ng baril kung kaya’t puspusan ang kanilang panawagan sa mga gun owners na dumulog sa mga himpilan ng pulisya at samantalahin ang programa ng gobyerno alinsunod sa Executive Order (EO) 817 ni Pangulong Arroyo na bigyan ng amnesty ang mga nagtatago ng hindi lisensyadong baril.
“All owners of loose firearms including those with expired licenses can now avail of amnesty and have their firearms legalized after paying the necessary dues. Concerned persons can just approach their chief of police for orientation and proper processing of their unlicensed firearms as well as with those with expired papers”, paliwanag ni Damian.
Ang nasabing programa na ipinapatupad ngayon ng pambansang pulisya ay pinaniniwalaang makakatulong upang mabawasan ang mga sibilyan na nag-iingat ng mga baril na walang kaukulang dokumento na karamihan ay ginagamit sa krimen at bilang paghahanda na rin sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 2010.
“This is to ensure a peaceful and orderly elections next year as most political exercises in the past had been marred with violence, aggravated by the presence of loose firearms,” dagdag pa ni Damian.Victor Martin