Kidnaper ng kolehiyala timbog

MANILA, Philippines - Isang ama ang inaresto ng pulisya dahil sa pakiki­pagsabwatan sa pagdukot sa isang 17-anyos na kole­hiyala sa isang entrapment operation kamakalawa sa Cotabato City.

Ang suspek na si Ah­mad Dibaratun, 44, resi­dente ng Barangay Katuli, Sultan Kudarat, Maguin­danao ay dinakip matapos na umano’y dukutin ng kan­yang anak ang bikti­mang si Joyce Bag-ao, first year student sa STI College.

Sa report ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang arestuhin sa loob ng isang food chain ang sus­pek at nasa aktong pinu­pwersa ang ina ng biktima na si Myrna Bag-ao na pu­mirma sa dokumentong naglala­man na hindi dinu­kot ng anak ng suspek na si Jomali Dibaratun si Joyce bagkus ay kusa itong sumama at nagta­nan.

Sinasabing si Jomali ay masugid na manliligaw ng biktima at hindi matanggap na binasted ito ng huli kaya pwersahang tinangay at kinaladkad palabas ng paaralan noong Hulyo 17 habang armado ng baril.

Mula noon ay hindi na matagpuan si Joyce kaya dumulog na sa pulisya ang mga magulang nito hang­gang sa tumawag ang sus­pek sa una at nais maki­pagkita. Agad naman na nagsagawa ng entrapment operation ang mga awto­ridad at mabilis na nadakip ang suspek. Nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention ang mag-amang Dibaratun habang patuloy na pinag­hahanap si Joyce na iti­natago umano sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte. (Joy Cantos)


Show comments