Kidnaper ng kolehiyala timbog
MANILA, Philippines - Isang ama ang inaresto ng pulisya dahil sa pakikipagsabwatan sa pagdukot sa isang 17-anyos na kolehiyala sa isang entrapment operation kamakalawa sa Cotabato City.
Ang suspek na si Ahmad Dibaratun, 44, residente ng Barangay Katuli, Sultan Kudarat, Maguindanao ay dinakip matapos na umano’y dukutin ng kanyang anak ang biktimang si Joyce Bag-ao, first year student sa STI College.
Sa report ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang arestuhin sa loob ng isang food chain ang suspek at nasa aktong pinupwersa ang ina ng biktima na si Myrna Bag-ao na pumirma sa dokumentong naglalaman na hindi dinukot ng anak ng suspek na si Jomali Dibaratun si Joyce bagkus ay kusa itong sumama at nagtanan.
Sinasabing si Jomali ay masugid na manliligaw ng biktima at hindi matanggap na binasted ito ng huli kaya pwersahang tinangay at kinaladkad palabas ng paaralan noong Hulyo 17 habang armado ng baril.
Mula noon ay hindi na matagpuan si Joyce kaya dumulog na sa pulisya ang mga magulang nito hanggang sa tumawag ang suspek sa una at nais makipagkita. Agad naman na nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad at mabilis na nadakip ang suspek. Nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention ang mag-amang Dibaratun habang patuloy na pinaghahanap si Joyce na itinatago umano sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending