7 minero patay sa landslide sa Benguet

MANILA, Philippines - Nalibing ng buhay ang pitong minero makaraang aksidenteng maguhuan ng lupa ang apat na bunkhouses na kanilang tinu­tuluyan sa landslide dulot ng bagyong Kiko sa Ba­rangay Kias, Tuba, Ben­guet kamakalawa ng gabi.

Dinala ang bangkay ng mga biktima sa Kias Ba­rangay Hall upang personal na kilalanin ng ka­nilang mga pamilya.

Dalawa namang suga­tang minero ang isinugod sa Baguio City General Hospital and Medical Center para malapatan ng lu­nas.

Patuloy naman ang rescue operations sa lima pang nawawalang minero at kanilang mga pamilya.

Ang landslide ay bunga ng malalakas na pag-ulan dulot ng pagbayo ng bag­yong Kiko na nagpa­lam­bot ng lupa sa nasabing mina­han ng ginto sa lu­gar.

Nitong Biyernes rin ng umaga ay napaulat ang pagkamatay ng tatlong batang magkakapatid sa landslide sa Baguio City.

Naunang iniulat ng National Disaster Coordinating Council na 73,171 ka­tao ang naapektuhan sa pa­nanalasa ng bagyong Kiko na patuloy na nag­dudulot ng malalakas na ulan sa ilang bahagi ng bansa kahit palayo na rito.

Nitong Huwebes ng gabi, tatlong Pranses at dalawa nilang tourist guide na Pilipino ang nasawi nang malunod sa baha habang nagtatangkang umakyat sa Mt. Pinatubo sa bahagi ng Capas, Tar­lac.


Show comments