MANILA, Philippines - Magkatuwang na nag-alay ng misa ang pamunuan ng AFP at PNP sa Mindanao sa paboritong simbahan ni yumaong ex- President Corazon “Cory” Aquino sa Zamboanga City kahapon.
Ang misa ay dinaluhan mismo nina AFP-Westmincom Commander Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino at PRO 9 Director Chief Supt. Angel Sunglao.
Idinaos ang misa dakong alas-12 ng tanghali sa Immaculate Concepcion Metropolitan Cathedral kung saan naging bahagi ng buhay ni Cory ang simbahan ng kanya itong bisitahin noong 1989.
Isa rin ang nasabing simbahan sa mga nag-alay ng misa para sa paggaling ni Cory nitong mga nakalipas na linggo kung saan nasa Makati Medical Center kaugnay ng sakit na colon cancer.
Sinabayan din ng mga sundalo at pulis ng isang minutong panalangin ng ilagay sa half mast ang bandila ng Pilipinas sa kani-kanilang mga kampo para sa namayapang Pangulo.
Ayon sa mga taga Zamboanga, napakaraming simbahan sa kanilang lugar ang tinulungan ni Cory noong ito ay nanunungkulan pa bilang lider ng bansa kung saan ang Immaculate Concepcion Metropolitan Cathedral ang isa sa paborito nitong sim bahan sa tuwing magtutungo sa lungsod.
Magugunita na si Cory ay naluklok sa kapangyarihan matapos ang matagumpay na People’s Power Revolt noong Pebrero 1986. Joy Cantos