Mag-utol na bata lunod sa septic tank
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan sa mag-utol na bata matapos mahulog at malunod sa hinukay na poso-negro na puno ng tubig sa bayan ng Imus, Cavite noong Lunes ng hapon.
Kinilala ni PO1 Dennis Magsaysay, investigator ng Imus PNP, ang mga biktimang sina Maricris Lao Ang, 5; at Mikee Lao Ang, 4 , kapwa nakatira sa Sitio Pulo, Anabu 2C, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa police report, iniwang natutulog ng kanilang ina ang magkapatid sa loob ng kanilang kuwarto para sunduin sa paaralan ang isa pang anak nito bandang alas-4 ng hapon.
Laking gulat na lang ng ina nang pagbalik ng kanilang bahay ay natagpuan ang dalawa na palutang-lutang sa hukay na may lalim na 5-talampakan para sana sa ginagawa nilang septic tank.
“Posibleng naglaro ang mga bata sa hukay na ’yon hanggang sa mahulog ang mga ito at malunod,” pahayag ni PO1 Magsaysay.
Itinakbo pa sa De La Salle University Hospital ang dalawang bata pero idineklarang patay.
- Latest
- Trending